Saturday, February 14, 2015

HASHTAG FEB-IBIG



Ang buwan ng Pebrero ay buwan ng Pag-ibig. Marami sa ating mga Pilipino ang sumusunod sa okasyong ito na kung saan tradisyon na ang pagbibigay ng mga bagay na makapagpapatibok ng puso tulad ng bulaklak, tsokolate at stuff toys ay ilan lamang sa mga kadalasang ibinibigay sa araw na ito. 

Espesyal ang araw na ito lalo na sa magsing-irog. Tampok sa araw na ito ang hayagang pagpapadama ng pagmamahalan ng bawat isa sa kanyang kapwa. Ano mang uri ng pagmamahal ay lubhang mahalaga upang higit na maging matatag ang samahan at relasyon ng bawat isa na ang tanging hangad ay mahalin at magmahal ng tunay.

Hindi rin naman magpapahuli sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ang iba't-ibang uri ng napapanahong negosyong matagal nang hinintay at pinaghandaan ang araw na ito. Tiyak na puno ang reservations sa mga restaurants at iba pang lugar na nag-aanyaya sa okasyong ito. Hindi rin basta na lamang matutunaw ang mga tsokolate at cake sa istante nito at maging ang mga bulaklak sa Dangwa ay hindi na makukuha pang malanta sa dami ng mga parokyanong gustong bumili at humabol sa Feb-ibig fever!

Sa kabilang banda, sino ba naman ang makakalimot sa high school life? Patok na patok din ang Feb-ibig sa mga campuses ngayon dahil sa JS Prom. Sa puntong ito nagsisimulang kiligin ang mga Juniors at Seniors na makita ang kakisigan at kagandahan ng kanilang ka-Valentino at ka-Valentina. Kaabang-abang din ang tatanghaling Prom King and Queen 'di ba?
Sikat na sikat din sa mga radio stations ang mga love songs. Tiyak na marami ang makaka-relate sa mga tugtugin sa radyo na tila ba nananadya at nanunukso lalo na sa may mga pinagdaanan o nakalipas na pag-ibig at may kakabit na theme song.

Maganda rin ang mensahe ng isang awitin na nagsasabing "Sana'y pag-ibig na lang ang isipin ng bawat isa sa mundo." Kung magkagayon, tiyak na masaya at payapa ang ating mundo. Mayroong pagmamahal sa asawa, anak, magulang, kapatid, nobya, kaibigan at iba pa. Mayroon din naman para sa trabaho at alagang hayop. Subalit huwag nating kalilimutan ang atlng Panginoong Lumikha. Nang dahil sa kanyang lubos na pagmamahal sa ating lahat ay isinugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo'y tubusin sa kasalanan. Mahal tayo ng Panginoon sapagka't ang Diyos ay Pag-ibig!

Sa bandang huli, ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay nagdudulot ng kagalakan at dalisay na pagmamahal at pag-ibig sa kapwa. Nawa ang araw na ito ay magsilbing paalala sa ating lahat na ang pag-ibig ay walang pinipiling araw, oras, edad at kasarian. Panatilihin at palaganaping ganap ang pagmamahal at malasakit sa kapwa!

Happy Valentine's Day to all!

#feb-ibig

No comments :

Post a Comment