Si Francisca Reyes Aquino ay ipinanganak sa kaparehong araw na ito noong ika-9 ng Marso 1899 sa Lolomboy, Bocaue, Bulacan, siya ay kinilala di lamang sa ating Lalawigan ng Bulacan kundi sa buong bansa bilang isang edukador, guro at nasyonalista, siya ay ang kauna-unahang babaeng ginawaran ng parangal na Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw sa bansa noong taong 1973.
Nagsimula siyang manaliksik ng mga katutubong sayaw noong 1921 at naglakbay sa mga malalayong baryo sa Hilaga at Gitnang Luzon. Patuloy siyang lumikom ng mga katutubong sayaw, kanta at laro para sa kanyang master thesis sa UP noong 1926 at matapos na rebisahin ito noong 1927, inilimbag niya ito na may titulong Philippine Folk Dances and Games.
Naging superintendent siya ng Physical Education, Bureau of Public Schools, Philippine Republic noong 1947 at consultant ng Bayanihan Folk Dance Troupe. Nagturo rin siya sa ilang mga folk dance camps at nagsagawa ng mga seminar o workshop sa iba't ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa. Itinanghal niya ang kanyang Philippine dances and folklore sa Fourth International Congress on Physical Education and Sports for Girls and Women sa Washington, D.C .
Narito ang kanyang mga naitalang akda at parangal:
Nag-akda ng:
- Philippine National Dances (1946)
- Gymnastics for Girls (1947)
- Fundamental Dance Steps and Music (1948)
- Foreign Folk Dances (1949)
- Dances for all Occasion (1950)
- Playground Demonstration (1951)
- Philippine Folk Dances, Volumes I to VI
Mga Parangal:
- Republic Award of Merit mula kay Presidente Ramon Magsaysay, 1954
- Doctor of Sciences degree in Physical Education, Honoris Causa mula sa Boston University
- Doctor of Humanities, Honoris Causa mula sa Far Eastern University, Maynila, 1959
- Cultural Award mula sa UNESCO
- Rizal Pro-Patria Award
- Certificate of Merit mula sa Bulacan Teachers Association
- Ramon Magsaysay Award, 1962
- Award for Outstanding Alumna, College of Education, UP
- Pambansang Alagad ng Sining, 1973
Dahil sa kanyang mga ginawa, malaki ang naiambag niya sa pagsulong ng kultura ng Pilipino sa larangan ng pagsayaw. Kayo mga ka-lalawigan, may alam ba kayong mga mahalagang pangyayari na naganap sa araw na ito? Kung mayroon, maari nyo bang ibahagi sa bawat isang Bulakenyo na makakabasa ng artikulong ito?
No comments :
Post a Comment