Friday, February 13, 2015

Guho sa Guiguinto... Warehouse Owner at Project Contractor Kailangang Managot


Larawan ni: Theofilus Luna Santos
Guiguinto, Bulacan --- Ang malalaking pader na nasa larawan ang dumagan sa 15 nahukay sa isinagawang rescue operation makaraang bumagsak bandang alas 3:00 ng hapon noong 19 Enero 2015 habang nagmemeryenda ang mga trabahador.

Umabot sa 12 ang kabuuang bilang ng nasawi sa naturang aksidente. Kabilang na rito and isang 5-buwang buntis na dumalaw lamang sa kanyang asawa. Nakalulungkot na isang 7 taong gulang na batang lalaki rin ang nakasama sa natabunan habang nagpapahinga sa barracks ng kaniyang ama at mga trabahador.

Mahigpit na ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon ukol sa pangyayari. Nagtungo rin sa pinangyarihan ng aksidente ang kinatawan ng DTI Provincial Office upang magsagawa ng kanilang imbestigasyon at mangalap ng mga construction materials tulad ng bakal upang ipasuri ang mga ginamit na materyales sa konstruksyon kung ito ay pasado sa itinakda ng kanilang ahensya.

Larawan ni Rommel Ramos
Samantala, nanawagan ang Labor Group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa pamahalaan na panagutin sa aksidente ang warehouse owner at project contractor dahil sa pagkasawi at pagkasugat ng mga trabahador nito. Naniniwala ang TUCP na ang ganitong uri ng aksidente ay maiiwasan kung sila ay responsableng tumalima sa kanilang tungkulin sang-ayon sa itinakda ng construction/building code tulad ng occupational safety, health regulations at project standards alinsunod na rin sa mga ganitong uri ng pagawain.


No comments :

Post a Comment