Monday, June 1, 2015

NAKAHANDA BA ANG PILIPINAS SA MALAKAS NA LINDOL?

Usap-usapan ngayon ang nakakatakot na balitang ito matapos maglabas ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ng Valley Fault System (VFS) Atlas at magpamahagi ng kopya nito na ginanap kamakailan sa kanilang auditorium, Lungsod ng Quezon. 
 
Maging sa social media ay trending ang usaping ito na pumukaw sa atensyon ng masang Pilipino. Pinangangambahan na kung sakaling muling tumama sa Pilipinas ang 7.2 magnitude na lindol ay malaking pinsala ang magiging epekto nito sa buhay, ari-arian at imprastraktura sa kalungsuran lalung-lalo na ang sinasabing nakatayo at malapit mismo sa tinatawag na active fault ng lindol. 
 
Sa pamamagitan ng Valley Fault System (VFS) Atlas ay malinaw na naidetalye at nailatag sa lahat ng dumalo ang nilalaman ng naging resulta ng masusing pag-aaral ng PHIVOLCS. Matatandaan na noong taong 2012, ang iba't-ibang ahensyang tumututok sa ganitong uri ng disaster at nagsasagawa ng masusing pananaliksik ay muling nagtulong-tulong upang matukoy ang lawak ng sakop kung sakaling gumalaw ang mga active faults sa bansa. Sa pangunguna ng DOST-PHIVOLCS at sa suporta ng United Nations Development Programme (UNDP) at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay matagumpay na natapos at naisamapa ang VFS Atlas kasama na rito ang mga bagong tuklas na faults sa ating bansa. 
 
Batay sa pag-aaral, ang VFS ay isang aktibong fault system na anumang oras at sandali ay maaaring gumalaw at makapaminsala sa Greater Metro Manila Area (GMMA). Ang VFS ay mayroong dalawang segments. Ang una ay ang East Valley Fault (EVF) na sampung (10) kilometro ang haba na tumatagos sa lalawigan ng Rizal samantalang ang ikalawa naman ay ang West Valley Fault (WVF) na may habang 100 kilometro. Dagdag pa ng PHIVOLCS, ang West Valley Fault (WVF) na direktang tatama sa mga bayan/lungsod na sakop ng BULACAN, Rizal, Metro Manila, Cavite at Laguna ay makalilikha ng malakas na lindol na kayang umabot sa magnitude 7.2 kung sakaling ito ay gumalaw. 
 
Tinukoy at lumabas din sa pag-aaral ang mga barangay na malapit sa East at West Valley Fault. Nasa talaan din ng PHIVOLCS ang listahan ng mga gusaling nakatayo mismo sa ibabaw ng active fault line tulad ng paaralan, subdivision at iba png gusali. Dahil ang Bulacan ay inabot at sakop ng West Valley Fault, sampung (10) barangay ang natukoy ng PHIVOLCS ang maaaring tamaan at mapinsala ng malakas na lindol.
 
LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE
  1. San Isidro
  2. Ciudad Real
  3. San Roque 
DONA REMEDIOS TRINIDAD
  1. Camachin
  2. Kabayunan
  3. Sapang Bulak
  4. Bayabas
  5. Camachile
  6. Pulong Sampalok 
NORZAGARAY
  1. San Lorenzo
Hangad ng PHIVOLCS na tayo ay maging handa sa ganitong uri ng sakuna. Hindi pananakot bagkus isang panawagan ang nais nilang ihayag sa publiko. Tungkulin ng ating pamahalaan na tayo ay pangalagaan at protektahan. Gayundin naman, tungkulin natin bilang mamamayan ang maging bahagi ng pamahalaan at makiisa sa layunin nitong tayo ay maitaguyod sa pinakamainam na paraan.
 
Iba na ang may alam. Maging handa sa lahat ng oras. Mag-ingat po tayo sa lahat ng sandali. Ipanalangin po natin na huwag tumama sa atin ang mapaminsalang lindol na ito. Mag-alay po tayo ng panalangin para sa ating bansang Pilipinas.



Sunday, May 24, 2015

BALAGTAS INTERCHANGE, Tulay Tungo sa Asenso!

Naranasan mo na bang maipit sa mabigat na daloy ng trapiko? Ano ang pakiramdam mo kung sakaling nagmamadali ka at naghahabol ng oras at may dadaluhang meeting? Sanay na nga ba tayo sa ganitong sitwasyon?

Isang magandang balita ang hatid namin sa inyo mga ka-balitaang Bulakenyo! Ang Balagtas Interchange na matatagpuan sa San Juan, Balagtas, Bulacan ay malapit nang matapos at maaari nang magamit ng publiko sa nalalapit na panahon.

Puspusan ang ginagawang konstruksyon ngayon sa Balagtas Interchange. Ito ay matapos magbigay mismo ng direktiba si Pangulong Noynoy Aquino sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang tapusin ang kabuuan ng interchange sa lalong madaling panahon at magamit na ito ng publiko at makatulong para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga lugar na makikinabang dito.

Malaking tulong ang nasabing tulay upang mabilis na madala sa merkado ang mga pangunahing produktong nanggagaling sa Bulacan at mga karatig lalawigan. Tiyak na hindi lamang ang mga magsasaka, mangingisda, kooperatiba at mamumuhunang negosyante ang tukoy na makikinabang dito sapagkat maging ang mamamayang bumubuo sa pribadong sektor ng lipunan ay pihadong maseserbisyuhan nito. Batay pa rin sa masusing pag-aaral, ang Balagtas Interchange ay lubos na inaasahang magpapaluwag ng mabigat na daloy ng trapiko sa Bocaue Exit Toll Plaza at magbubukas ng panibagong ruta at daan kung ating babagtasin ang kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) at kailangang magtungo sa mga bayan sa Bulacan na malapit dito.

Tunay nga na sa ganitong proyekto, ang mamamayan ang tunay na panalo!


Wednesday, April 29, 2015

Pagbitay kay MARY JAVE VELOSO, Ipinagpaliban!

Larawan mula sa http://www.interaksyon.com
Jakarta Indonesia - Ang pagbitay sa OFW na si Mary Jane Veloso, isa sa siyam (9) na drug convicts na nakatakdang bitayin sa pamamagitan ng firing squad ngayong araw ay ipinagpaliban dahil sa huling apelang inihain ng ating pamahalaan.
"We are relieved that the execution of Mary Jane Veloso was not carried out tonight," ani Spokesperson Charles Jose ng Department of Foreign Affairs. "The Lord has answered our prayers," dagdag pa niya.

Samantala, ang ating mga kababayang masugid na nagtiyaga upang magdaos ng prayer vigil sa labas ng Indonesian Embassy sa Maynila ay walang pagsidlan ng tuwa at ligaya nang marinig ang magandang balita.

Lubos din naman ang kagalakan ng pamilya ni Mary Jane nang malaman ang balita na ipinagpaliban ang pagbitay sa kanya. Dahil madaling araw na iyon, ang buong pamilya ay natutulog sa loob ng isang coaster at naghihintay lang ng update sa mga kinauukulang kasama nila sa byahe. Paghinto ng kanilang convoy sa isang gasoline station ay lumapit ang Indonesia Bureau Chief at ginising ang pamilya ni Mary Jane upang ipaalam ang pagpapaliban ng pagbitay rito. Sa una ay hindi makapaniwala ang mga kaanak ni Mary Jane hanggang sa sila ay maiyak na lamang sa narinig.

Ang nasambit na lamang ng ina ni Mary Jane na si Gng. Celia Veloso ay ang binanggit sa kanya ng anak na "Kahit gahibla na lang na oras ang natitira, kung gusto ng Panginoon na mabuhay ako, bubuhayin pa Niya ako." Naglulundag naman sa tuwa ang dalawang anak ni Mary Jane at sumisigaw ng "Buhay Mama ko! Buhay Mama ko!"

Nilinaw ni Indonesian Attorney General HM Prasetyo sa kanyang pahayag na ang pagpapaliban sa pagbitay kay Mary Jane ay dahil sa huling apela ng ating gobyerno. Ito ay matapos ang pagsuko at pag-amin ni Maria Kristina Sergio na siya umano ang nag-recruit kay Mary Jane upang makapunta sa Indonesia at mamasukan bilang isang Domestic Helper.

Matatandaan na taong 2010 ay hinatulan ng parusang kamatayan ni Mary Jane Veloso matapos mahulihan ng 2.6 killogramo ng ipinagbabawal na gamot na nakasilid sa dala niyang bagahe. Batay sa kanyang sinumpaang salaysay, hindi niya alam na ang pinadala sa kanyang bag ay naglalaman ng droga at kanyang iginigiit sa korte na siya ay inosente at biktima lamang ng mga sindikatong nasa likod ng drug smuggling at human trafficking.

Patuloy na uusad ang kaso at tutukan ang bawat yugto nito sapagkat ayaw nang maulit ng mga Pilipino ang tulad ng sinapit ng dati ring OFW at binitay na si Flor Contemplacion.

Patuloy na magbabantay ang sambayanang Pilipino sa kahihinatnan ng kaso ni Mary Jane at hangad natin na hindi masayang ang buhay ng dahil lang sa masamang interes at hangarin ng iilan. Dapat nang tuldukan ang isyu ng human trafficking at sugpuin ang droga na sumisira sa buhay ng milyung-milyong tao saan mang panig ng mundo.

Matatawag nga marahil na isang himala ang naging desisyon ng Indonesia upang ipagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane. Sapagkat ang walo pang nahatulan ng bitay ay naisagawa na ang hatol kahit na umapela pa ang kani-kanilang estado.

Patuloy pa rin ang panawagan upang mag-alay ng panalangin upang mapawalang-sala ang ating mahal na kababayan na si Mary Jane Veloso. Siya ay 30 taong gulang mula sa Cabanatuan, Nueva Ecija, single mother sa kanyang dalawang anak at naghangad na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.

Save the Life of Mary Jane Veloso! End Human Trafficking Now!



Tuesday, April 28, 2015

Lindol sa Nepal

Niyanig ng napakalakas na lindol ang bansang Nepal noong Sabado, Abril 25. Ang magnitude 7.8 na lindol na ito ang kumitil sa buhay ng halos 3,300 at nag-iwan ng mga sugat sa 6,500 Nepalese. Inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga ito habang lumilipas ang mga araw matapos ang matinding lindol.

Lubhang nasalanta at nawasak ang Kathmandu, ang kapital ng Nepal. Maging sa mga karatig bansa ng Nepal ay naramdaman din ang impact ng lindol at nag-iwan ng dose-dosenang namatay sa Tsina at India. Samantala, hindi naman bababa sa 18 ang namatay at humigit-kumulang 60 ang sugatan sa Mt. Everest matapos rumagasa at tabunan ang climber's camp ng naglalakihang avalanche dulot pa rin ng lindol. Pahirapan din ang pag-rescue sa mga stranded sa bundok dahil sa mga guhong dulot ng malakas na paggalaw ng lupa.

Matinding pinsala ang iniwan ng lindol sa buong Nepal. Hindi rin maikubli ang takot ng mga nakaligtas sa muling pagyanig ng lupa. Hanggang sa dumating ang araw ng Linggo na muling lumindol ng 6.7 magnitude. Ang aftershock na ito ang nagdulot ng matinding takot at pangamba sa mga Nepalese kung kaya't mas pinili nilang magpalipas ng mga gabi sa labas ng kanilang bahay at malayo sa mga gusaling anumang oras ay maaaring gumuho. Ang tremor na ito ay naramdaman din sa India at Bangladesh at muling nagdulot ng avalanche sa paligid ng Mt. Everest.

Sa mahirap na bansang tulad ng Nepal, napakahalaga ang suporta ng mga international communities na handang tumulong at naglalaan ng kaukulang atensyon upang tustusan ang agarang pangangailangan ng mga lokal doon.

Nag-iwan ng malalim at malaking lamat ang lindol hindi lamang ito masasalamin sa mga kalsada, gusali, bahay at tulay, bagkus ang lamat na ito ay magiging pilat sa puso ng bawat Nepalese na nawalan ng mahal sa buhay. Masidhi ang kanilang panawagan, subalit ang bawat isa sa kanila ay naniniwala na muli silang babangon at bubuuin ang isang masigla at matatag na Nepal.

Dito sa ating bansa, madalas nating marinig ang diskusyon sa radio at telebisyon ng iba't-ibang uri ng sakunang maaaring maminsala sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino. Kadalasan, ang naiiwang katanungan ay kung gaano ba tayo kahanda sa mga ito? Ang lahat ng mga paalala sa atin kung ano ang dapat gawin at personal na paghahanda ay lubhang mahalaga upang suungin ang mapanghamong sitwasyon. Ipagdasal din po natin sa Panginoon ang ating kaligtasan at patuloy na ingatan ang ating bansang Pilipinas.

Isama rin po natin sa ating panalangin ang ating mga kapatid sa Nepal upang kanilang mapagtagumpayan ang pagsubok na kanilang kinakaharap at masumpungan ang kapayapaan tulad ng ating pagharap at pagbangon sa bangungot ng Bagyong Yolanda kamakailan.



Thursday, April 23, 2015

Earth Day 2015

Abril 22, 2015 ay ang ika-45 anibersaryo ng "Earth Day" at may temang "It's Our Turn to Lead." Batay sa pahayag ng Earth Day Network, Inc., ang organisasyon at grupong nagpasimula nito, sadyang marami ang sumali at nakilahok sa gawain upang protektahan ang mundo at ang kapaligiran simula nang ilunsad ang kauna-unahang Earth Day taong 1970.

Ngayong taon, inaasahan na humigit-kumulang 20 milyung katao sa buong mundo ang lalahok at makikiisa sa panawagan na pangalagaan ang ating mundo.

Iba't-ibang gawain ang nakatakdang ilunsad ngayong araw sa iba't-ibang panig ng mundo upang ipakita ang malasakit at pagmamahal sa mundong ating ginagalawan at ating kanlungan sa mahabang panahon. Ilan sa mga tampok na gawain (fund raising activities) ay tulad ng biking, hiking, fun run at tree planting. Isang (1) bilyong puno at binhi ang target na kabuuang bilang na maitatanim ngayong taon at lubhang inaasahan na magdudulot ng malaking impact sa kapaligiran. Palagiang paniniwala at prinsipyo ng lahat ng kalahok at nagmamahal sa kalikasan na dapat lamang mahalin at palitan ng malasakit ang ating mundo na ating pangunahing tirahan, proteksyon at saksi sa ebolusyon at pag-unlad ng tao sa mundong ibabaw.

Sa pangunguna ng Earth Day Network Philippines at sa pakikipagtulungan ng iba't-ibang ahensya sa bansa, nakatakdang ilunsad sa darating na Abril 25 ang Pro Earth Run 2015: Run the Race for Mother Earth, ganap na ika-4:30 ng hapon sa Mall of Asia Grounds, Pasay City. Ang registration fee ay nagkakahalaga ng P750 para sa 3K, 5K at 10K race categories. Ang lahat ng pondong malilikom ay sadyang nakalaan sa lahat ng mga programang nakatuon sa pangangalaga at restorasyon ng ating kapaligiran.

Tayo, bilang simpleng mamamayan ay tiyak na may magagawa kahit sa simpleng paraan ay maipapakita natin ang ating malasakit sa ating mundo. Bata pa lamang tayo ay itinuturo na sa atin kung paano pangalagaan ang ating kapaligiran. Subalit ang tanong, ito ba ay ating isinasabuhay sa kabila ng mabilis na takbo ng panahon? Nagagampanan ba natin ang misyon na ingatan ang mundo? Itinatapon ba natin nang wasto ang ating mga dumi at basura? Tayo ba ay nagtatanim ng puno o tayo mismo ay sangkot sa pagputol at pagkaubos ng mga punongkahoy at pagkakalbo ng mga kabundukan? Kumusta naman kaya ang daloy ng ating mga anyong tubig? Dalisay pa kaya tulad ng dati?

Gumising na tayo! Hindi pa huli ang lahat! Hihintayin pa ba nating mawala ang natitira pa nating pag-asa na maisalba ang naghihikahos at umiiyak nating Inang Kalikasan? May magagawa ka. Kilos na, ngayon na!


Saturday, April 18, 2015

Let's Beat the Summer Heat!

Ramdam na ramdam na ang matinding init sa bansa ngayong sumapit na ang tag-init. Iba't-ibang pamamaraan ang ginagawa ng mga Pinoy upang labanan ang matinding init at i-enjoy na lang ang panahong ito sa halip na ma-stress at magmukmok sa bahay.

Patok na patok ang mga pagkaing malalamig saan ka man lumingon ay siguradong may nagtitinda tulad ng halu-halo, samalamig, buko juice at iba pa. Magpapahuli ba naman sa listahan ang ice cream, ice drop at ice candy? Hitik na rin sa bunga sa ganitong panahon ang pakwan, melon, mangga at singkamas na masarap tambalan ng ginisang bagoong.

'Di naman mahulugang-karayom ang mga naggagandahan at pamosong beaches at resorts sa dami ng mga taong walang ginawa kung hindi ang magtampisaw at magbabad sa tubig maibsan lamang ang init ng panahon. Kadalasan ang summer vacation ay hudyat din ng kabi-kabilang reunions ng mag-anak at magkakaibigan na nananabik na muling magkita-kita at magkwentuhan habang nag-iihaw ng isda, bbq at hotdog.

Trending naman ang mga lugar ng Baguio City, Tagaytay, Palawan at Boracay sa dami ng bakasyunista at namamasyal. Samantala, ang ilan sa ating mga kababayan ay sa mga sikat at malalapit na shopping malls nagpupunta kasama ang pamilya.

Ikaw, ano'ng trip mo ngayong bakasyon? Sulutin na ang summer at huwag maging dayuhan sa sariling bayan. Huwag kalimutan sa inyong listahan ang lalawigan ng Bulacan. Maraming pwedeng pasyalan sa Bulacan na siguradong pupuno sa excitement at adventure na hanap mo ngayong bakasyon at hindi na kailangan pang lumayo. Discover Bulacan at its Finest!


Happy Summer Vacation to all!



Fight of the Millennium: Pacquiao Vs. Mayweather, sino ang magwawagi?

Determinado ang ating Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao na manaig sa inaabangang laban nila ni Floyd Mayweather Jr. sa darating na Mayo 2, 2015 (Mayo 3 sa Pilipinas) sa MGM Grand, Las Vegas, Nevada.

Kasabihan nga ng maraming Pinoy na muling titigil ang ikot ng mundo sa tuwing sasampa sa ring at lalaban ang People's Champ na si Pacquiao. Excited na ang lahat ng Pinoy at mga boxing fans na makitang makipagtagisan ng lakas, bilis at galing ang pride ng Pilipinas pagdating sa larangang ito ng palakasan. Inaasahan na ang magandang laban sa pagitan ng kanyang katunggali dahil sa magandang rekord nito at hindi matatawarang kakayahan.

Samantala, batay sa naging pahayag ni Energy Secretary Jericho Petilla kamakailan, tinitiyak nilang walang brownout sa Luzon at Visayas sa Mayo 3 subalit ang ilang bahagi ng Mindanao ay posibleng hindi mapanood ang laban ni Pacquiao at Mayweather dahil sa nakatakdang brownout sa mga piling lugar dulot ng kakulangan ng suplay ng kuryente. Siguradong tututok ang sambayang Pilipino sa labang ito na tinaguriang "Fight of the Millennium."

Nagpasalamat at lubos na ikinatuwa ni Pacman ang panukala ni Senador Koko Pimentel na hindi patawan ng buwis ang kanyang kikitain sa labang ito.

At sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng bayad ang weigh-in viewing para sa mga pupunta at sasaksi isang araw bago ang laban. Ang isang weigh-in ticket ay nagkakahalaga ng $10 at gagamitin sa security, crowd control at ang malaking bahagi ng kikitain nito ay mapupunta sa charity batay sa organizer nito.

Ilang araw na lang ang hihintayin bago ang super fight ng taon. Isa lang ang tanong, Sino nga ba ang magwawagi? Ito ang dapat nating abangan. Manalo man o matalo, ikaw pa rin Manny Pacquiao ang tunay na kampeon sa puso ng bawat Pilipino. Sabi mo nga sa iyong awit, "Lalaban ako para sa Filipino."


Monday, March 9, 2015

Pagbababallik Tanaw...


Si Francisca Reyes Aquino ay ipinanganak sa kaparehong araw na ito noong ika-9 ng Marso 1899 sa Lolomboy, Bocaue, Bulacan, siya ay kinilala di lamang sa ating Lalawigan ng Bulacan kundi sa buong bansa bilang isang edukador, guro at nasyonalista, siya ay ang kauna-unahang babaeng ginawaran ng parangal na Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw sa bansa noong taong 1973.

Nagsimula siyang manaliksik ng mga katutubong sayaw noong 1921 at naglakbay sa mga malalayong baryo sa Hilaga at Gitnang Luzon. Patuloy siyang lumikom ng mga katutubong sayaw, kanta at laro para sa kanyang master thesis sa UP noong 1926 at matapos na rebisahin ito noong 1927, inilimbag niya ito na may titulong Philippine Folk Dances and Games.

Naging superintendent siya ng Physical Education, Bureau of Public Schools, Philippine Republic noong 1947 at consultant ng Bayanihan Folk Dance Troupe. Nagturo rin siya sa ilang mga folk dance camps at nagsagawa ng mga seminar o workshop sa iba't ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa. Itinanghal niya ang kanyang Philippine dances and folklore sa Fourth International Congress on Physical Education and Sports for Girls and Women sa Washington, D.C .

Narito ang kanyang mga naitalang akda at parangal:

Nag-akda ng:
  • Philippine National Dances (1946)
  • Gymnastics for Girls (1947)
  • Fundamental Dance Steps and Music (1948)
  • Foreign Folk Dances (1949)
  • Dances for all Occasion (1950)
  • Playground Demonstration (1951)
  • Philippine Folk Dances, Volumes I to VI
Mga Parangal:
  • Republic Award of Merit mula kay Presidente Ramon Magsaysay, 1954
  • Doctor of Sciences degree in Physical Education, Honoris Causa mula sa Boston University
  • Doctor of Humanities, Honoris Causa mula sa Far Eastern University, Maynila, 1959
  • Cultural Award mula sa UNESCO
  • Rizal Pro-Patria Award
  • Certificate of Merit mula sa Bulacan Teachers Association
  • Ramon Magsaysay Award, 1962
  • Award for Outstanding Alumna, College of Education, UP
  • Pambansang Alagad ng Sining, 1973 

Dahil sa kanyang mga ginawa, malaki ang naiambag niya sa pagsulong ng kultura ng Pilipino sa larangan ng pagsayaw. Kayo mga ka-lalawigan, may alam ba kayong mga mahalagang pangyayari na naganap sa araw na ito?  Kung mayroon, maari nyo bang ibahagi sa bawat isang Bulakenyo na makakabasa ng artikulong ito?


Wednesday, March 4, 2015

MARSO: Buwan ng Pag-iingat sa Sunog


Matindi ang sikat ng araw tuwing sasapit ang buwan ng Marso dito sa Pilipinas, marahil ito ang pangunahing dahilan ng ating Pamahalaan kung kaya't ang Buwan ng Marso ay tinaguriang "FIRE PREVENTION MONTH", halos wala pang isang linggo ang nakakaraan ay kabi-kabila na ang balita tungkol sa mga nagaganap na sunog. Tumataas ang tsansa na maganap ang isang sunog sa panahong ng tag-init subalit maaari naman itong maiwasan, sa tamang pag-iingat at alamin sana natin ang lahat ng maaaring pagmulan at sanhi ng sunog. Mga ilang tips para makaiwas sa sunog: 1.) huwag iiwanang nakasaksak ang mga appliances na hindi ginagamit, 2.) kung nagluluto huwag iwanan na nakabukas ang kalan, 3.) ilayo o itaas sa mga bata ang mga bagay na madaling magliyab kagaya ng posporo, lighter at kandilang may sindi. 

Ika nga ng marami, "Manakawan ka na ng sampung beses, huwag ka lang masunugan ng isang beses." INGAT PO mga ka-lalawigan!


Tuesday, March 3, 2015

UCG - Urban Container Gardening laganap na sa Bayan ng Obando (Household Based Waste Management System and Food Security)


Isang pagbabalik tanaw: ang bayan ng Obando ay kilala bilang isang bayan sa Lalawigan ng Bulacan na mayaman sa pagkain mula sa biyaya ng dagat, kilala at dinarayo ang bayan ng Obando tuwing buwan ng Mayo sa pagdiriwang ng "Fertility Dance" para sa mga mag-aasawang himihingi o nais magkaanak. Subalit sa paglipas ng panahon ang maliit na bayan ng Obando ay unti-unti ng kinakain ng dagat sa kadahilanang mas mababa pa ito sa level ng dagat kung kayat malimit itong binabaha, sa kadahilanang ito, ang mga dating taniman ng palay maging ng ibat-ibang uri ng halaman ay nawala na. Naging isang malaking problema pa rin ang kakulangan ng maayos na pagtatapon ng basura na nakadagdag pa sa suliranin.

Sa paglipas ng mga araw ay masasabi na masuwerte pa rin ang Obando at mga mamamayan nito sa kadahilanang may isang Non Government Organization na tila baga lumalaban sa hamon ng panahon, pinangunahan ng grupong ito ang paglaban sa lumalalang problema sa basura. Isa sa kanilang mabisang paraan ay ang paglulunsad at pagtuturo sa mga tao ng wastong pagbubukod-bukod ng basura at ang bidang bida ngayon na UCG o ang urban container gardening. Sa ating pakikipag-usap kay G. Joel Espiridion isa sa tagapagsulong ng programa at kasapi ng OKAPI -Obando Kami ay Para sa Iyo ay inilahad niya ang ilan sa mga magagandang layunin kung bakit ipinupursige nila ang UCG aniya "mainam na maituro sa bawat pamilya ang pagtatanim na gamit ang mga nabubulok na basura at mga patapong bote ng mineral water o mga container na maaari pang magamit na taniman, hindi kailangan ang malaking lugar upang makapagtanim ng ibat-ibang uri ng gulay. Maganda pa dito may gulay ka na, nakakasunod kapa sa batas sa wastong pagtatapon ng basura". Idinagdag pa ni G. Joel Espiridion na sila ay nakahandang ituro at ipalaganap sa lahat na nagnanais na matutunan ang wastong pagsasagawa ng UCG.

Nakagagaan ng kalooban kapag may nakikita tayong mga taong tulad nila na nag-iisip ng mga bagay at gawain na hindi lamang para sa kanilang sarili bagkus maging para sa buong pamayanan at kapaligiran.


Thursday, February 26, 2015

Kalsadang YOSI KADIRI sa Bulacan



Nahaharap na naman sa panibagong kaso ng Graft and Unethical Practices sa Office of the Ombudsman si Gob Wilhelmino Sy-Alvarado kasama ang mga Bokal ng Sangguniang Panalalawigan, ang buong Sangguniang Barangay ng Barangay Tikay, Malolos pati ang Executive Vice President ng Mighty Corp. na si Retired Judge Oscar Barrientos.

Ang reklamo ay isinumite sa Tanggapan ng Ombudsman noong Enero 29, 2015 ng isang retiradong huwes na si Adoracion Angeles kasama ang concerned citizens ng barangay Tikay, Malolos. Ang reklamo ay direktang paglabag sa "Section 3 (e) Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) for causing undue injury to any party, including the government, or giving any private party any unwarranted benefits, advantage or preference in the discharge of his official, administrative or judicial functions through manifest partiality, bad faith or gross inexcusable negligence." at paglabag sa "Republic Act No. 6713, the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees". 

Nag-ugat ang lahat sa pagpapalit ng pangalan ng pangunahing lansangan (major road) sa Barangay Tikay bilang "Mighty Road" upang bigyan marahil ng parangal o pagkilala ang isang pribadong korporasyon na gumagawa ng sigarilyo na naka base sa naturang barangay, ito ay ang ang Mighty Corporation. Pinapahintulutan naman sa ilalim ng batas ang pagpapalit ng pangalan ng kahit anong pampublikong lugar sa pasubali na ito ay sa pakikipag ugnayan sa Philippine Historical Institute at sa kundisyong ang pagpapalit ay may kaugnayan sa kasaysayan o makapagpapataas ng moralidad lahat ng mga naninirahan dito. Pero ayon sa mga nagsusulong ng reklamo, tila baga kabalintunaan ang nangyari, sa halip ay sa kapaboran lamang ng isang pribadong kumpanya na ang produkto ay nabibilang sa mga tinatawag na "sin products" ang naging basehan ng pagpapalit ng pangalan.

Sa aming pansariling pananaw kung may kasalanan o pagkakamali man ang mga namumuno sa barangay, sa tingin ko mas mabigat ang pananagutan sa batas at sa mamamayan ng mga lider na nasa Kapitolyo ng Bulacan, sa pangunguna ng Punong Lalawigan, bakit nila pinalusot ang ganitong uri ng pagbabago? Manipestasyon at pagpapakita lamang ito ng kanilang kapabayaan at kawalang malasakit sa mamamayan di lamang ng barangay Tikay bagkus ay sa buong lalawigan.

Wednesday, February 25, 2015

EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION, Ano na ang tunay na kabuluhan ngayon?

Eksaktong 29 na taon na ang nakalipas mula ng ilunsad ang sinasabing pinakamapayapang rebolusyon ng makabagong panahon. Isang mahalagang kabanata ang nasulat sa dahon ng kasaysayan ng Pilipinas na hinangaan at ginaya maging ng ibang bansa. Pebrero 22 hanggang Pebrero 25, 1986 napuno ang kahabaan ng EDSA ng mga tao na nagnanais labanan at patalsikin sa pwesto ang noo'y sinasabing diktadurya, ang rehimeng Marcos. Apat na araw na nagbantay at nagkapit bisig ang ating mga kababayan upang tapusin ang kahirapan at muling maibalik ang kalayaan at demokrasya na sa mahabang panahon ay naipagkait sa ating bansa at mamamayang Pilipino. Ispiritu ng pagbabayanihan at pagkakaisa, ito marahil ang naging sandata ng mga taong nanguna sa EDSA Revolution upang labanan at patalsikin sa pwesto ang nag-iisang kaaway, ang rehimeng Marcos. Matapos magtagumpay ang sinasabing mapayapang rebolusyon marami ang umasa na gaganda na ang buhay ng mga Pilipino. 

Subalit sa paglipas ng panahon ay tila nawala na ang tunay na diwa at ispiritu ng EDSA People Power Revolution...maraming tanong pa rin ang namumutawi sa bibig ng mga Pilipino. Bakit marami pang mahihirap? Bakit marami ang nagugutom? Bakit marami pa rin ang walang maayos na trabaho? Bakit marami pa rin ang mga walang matirhan kundi ang mga bangketa sa lansangan? Bakit lalong gumulo ang sistemang pulitikal na umiiral sa ating bansa? Taliwas sa inaasahan na gaganda na ang pamumuhay ng Pilipino. 

Isang bulag at binging saksi na lamang ang EDSA sa tuwing may mangyayaring pag-aaklas at pagtitipon-tipon upang patalsikin sa pwesto ang sino mang sinasabing tiwaling pinuno ng bansa. Marahil kung makapagsasalita lamang ang EDSA baka ang sabihin nito "huwag na ninyo akong gamitin at idamay sa pansarili ninyong intires".


Tuesday, February 24, 2015

Recall Elections sa BULACAN at PUERTO PRINCESA, Asahan na sa susunod na 2 Buwan



Lubos na ikinatuwa at pinanghahawakan ngayon ng mga mamamayan ng Bulacan at Puerto Princesa, Palawan ang naging pahayag ng Commission on Elections (COMELEC) na dapat nang asahan ang eleksyon sa mga susunod pang dalawang (2) buwan ngayong taon.

Batay sa huling pahayag ni Atty. James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, may sapat aniya na panahon upang maisakatuparan ang recall elections bunga ng petisyong inihain laban kina Bulacan Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado at Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron bago pa man umiral one-year election ban. Malinaw na nakasaad sa Local Government Code na ang Recall Election ay dapat na maisagawa isang (1) taon bago ang pagkakaroon ng regular election.

Matatandaan na kamakailan lang ay ibinasura ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order (TRO) na inihain ng mga kampo nina Alvarado at Bayron upang ipatigil ang proseso ng recall. Dagdag pa sa naging pahayag ni Atty. Jimenez, ang proseso ng recall bilang tugon sa dalawang petisyon ay halos kumpleto at matatapos na.

Magpapatuloy ang proseso ng recall hanggang dumating sa punto na mag-anunsyo ang Comelec upang tumanggap ng mga aplikasyon ng kandidato para sa mga posisyong nabanggit at maitakda ang araw ng halalan sa lalong madaling panahon.

Banta ng MERS-CoV at BIRD FLU sa Bansa, Nilinaw ng DOH



Magandang balita ang hatid ng Department of Health (DOH) matapos ipahayag ng ahensya ang dalawang magkasunod na balita upang linawain na walang nang dapat ikatakot ang publiko sa banta ng mga nakamamatay na sakit na dulot ng Middle East Respiratory Syndrome - Corona Virus (MERS-CoV) at Bird Flu.

Naging maingat ang ahensya sa paghawak ng unang kaso ng MERS-CoV hanggang sa tuluyang gumaling at makalabas ng ospital ang Pinay Nurse. Sampung (10) araw pa siyang mamamalagi sa kanyang bahay at pinagbawalang lumabas upang masiguro ang kaligtasan ng publiko. Ang lahat naman ng kanyang nakasama at nakasalamuha ay maituturing nang ligtas sa sakit dahil lumagpas na sa labing-apat (14) na araw na incubation period.

Samantala, isang lalaking Overseas Filipino Worker (OFW) galing China ang umuwi sa Pilipinas noong Pebrero 9. Mismong Araw ng mga Puso pumanaw ang ating kababayan matapos magpatingin sa doktor ngunit tumangging magpa-confine sa ospital. Batay sa mga pagsusuri ng mga doktor at mga sintomas ng sakit ng balikbayan ay posibleng Bird Flu ang naging sakit at sanhi ng kanyang pagkamatay. Sa huli, iginiit pa rin ni DOH Acting Secretary Janette Garin na Bird-Flu pa rin ang Pilipinas.

Magkatuwang ang mga ahensya ng DOH at Department of Foreign Affairs (DFA) upang matiyak na hindi makapasok at makapaminsala ang mga nakamamatay na sakit sa ating bansa. Mahigpit ang kanilang panawagan sa ating mga kababayan lalo na sa mga OFWs na manggagaling sa mga apektadong bansa na makipagtulungan sa kanila. Hiniling din nila na maging tapat sa pagsagot sa Health Declaration Checklist kabilang na rito ang travel history na lubhang mahalaga sa pagtukoy at pag-aalinisa ng bawat kasong magdudulot ng banta sa kalusugan ng mamamayan.

Friday, February 20, 2015

Pulis-Makisig, Wagi sa Mister International Pageant Tagumpay, Inialay sa mga nasawing PNP-SAF Commandos

Balik-bansa na si Police Officer 2 Mariano Flormata, Jr. o mas kilala sa kanyang screen name na "Neil Perez" matapos maiuwi ang titulo bilang Mister International 2015 na ginanap sa Ansan, South Korea nitong Pebrero 14.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na itinanghal at mauuwi ng Pilipinas ang titulo sa nasabing kompetisyon simula ng tayo ay sumali rito. Si Neil ang ika-siyam na kandidatong ipinadala ng bansa upang makipagtagisan ng husay at galing, at hindi naman niya binigo ang sambayanang Pilipino.

Tinupad din ni Neil ang kanyang pangako na iuuwi ang titulo bilang paggalang, paghanga at pagsaludo sa kabayanihan ng kanyang mga kabarong pulis na namatay sa Mamasapano, Maguindanao. Pito (7) sa apatnapu't-apat (44) na Philippine National Police - Special Action Force (PNP-SAF) na nasawi sa madugong engkwentro sa Mamasapano ay naging kaklase at ka-batch ni Neil sa Mabalasik Class 2008.

Instant celebrity ang mamang pulis na miyembro ng PNP Aviation Security Group. Si Neil ay isang bomb and explosive technician na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nagbunyi ang bansa sa tagumpay ni Neil Perez, ang 29 anyos na Pulis mula sa Tondo, Manila.




Thursday, February 19, 2015

Kung Hei Fat Choi



Masayang sinalubong at makulay na ipinagdiwang ang Chinese New Year na may kinalaman at temang Taon ng Kahoy na Tupa sang-ayon sa paniniwalang Intsik.

Malaki ang naging kontribusyon ng mga Intsik sa pamumuhay nating mga Pilipino. Nasakop nila at naging bahagi na ng kulturang Pinoy ang mga paniniwala at tradisyon ng ating mga kapatid na Tsino.

Ang Filipino-Chinese communities ay nagdaos ng mga pistang-gawain sa paniniwalang lalapit ang swerte sa kanila, pagkakabuklod-buklod ng pamilya, maibahagi ang kapayapaan, kagandahang asal at mabuting pakikitungo sa kapwa. Naging abala ang bawat pamilya upang ihanda ang kanilang tahanan na makasunod sa kanilang tradisyon. Nakuha nating mga Pinoy sa mga Intsik ang pagbibigay ng perang nakalagay sa pulang ang-pao, paghahain ng mga matatamis at malalagkit na pagkain tulad ng tikoy at pag-display ng iba't-ibang uri ng mga bilog na prutas sa ibabaw ng mesa para sa magandang takbo ng buhay, relasyon at negosyo. Sa mga Chinatowns sa ating bansa, taunang inaabangan ang float parade na may dancing dragons/lions, acrobatic at fireworks display.

Sa kalendaryong Intsik, ngayong araw pa lamang magsisimula ang kanilang panibagong taon. Ang turo ng isang Feng Shui Master na si Maritess Allen, ang lahat ng sumusunod sa kanilang tradisyon ay dapat sundin at salubungin ang unang araw ng Year of the Wooden Sheep na magsuot ng bago. Ito ay sumisimbolo para sa panibagong simula. Ikalawa, kumain ng matatamis na pagkain upang puro tamis lamang ang matikman at maranasan sa buhay buong taon. Sa huli, binigyang diin n'ya na panatilihin ang kababaang-loob at mamutawi lamang ang matatamis na salita upang masulyapan at marinig pabalik sa iyo ay halos matatamis na salita rin mula sa iyong kapwa. Iwasan ang argumento at pakikipag-away para sa tahimik na buhay.

Ang Chinese New Year ay humigit 4,000 taon nang ipinagdiwang sa tala ng ating kasaysayan. Ngayong taon, ang pagdiriwang ay magsisimula sa Pebrero 19, 2015 at magtatapos ito sa Pebrero 17, 2016.

Wednesday, February 18, 2015

Unang Kaso ng MERS-CoV, naitala sa Pilipinas



Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV) sa bansa, matapos magpositibo sa nasabing sakit ang isang Pinay Nurse galing sa Saudi Arabia kamakailan. Ito ang naging pahayag ni Dr. Lyndon Lee Suy, Spokesperson ng DOH.

Naging mabilis ang hakbang ng DOH sa kasong ito. Iniiwasan din ng ahensya ang pagkalat ng sakit at makahawa pa sa ibang tao. Ang lahat ng mga nakasama sa eroplano at nakasalamuha ng pasyente ay ipinatawag, ipinahanap at mahigpit na pinaalalahanan na huwag mag-atubling magsadya sa pinakamalapit na hospital at magpasuri sa doktor kung sakaling makaranas at makaramdam ng mga sintomas ng MERS-CoV.

Nilinaw pa ng ahensya na ang tatlo (patients under investigation) sa mga nagpakita at nakaranas ng mga sintomas nito ay nag-negatibo na sa nakahahawang sakit.

Hindi rin sapat na umasa na lamang sa resultang ipinapakita ng mga thermal scanners na nakakabit sa ating mga paliparan. Matatandaan na ang Pinay Nurse ay dumaan sa scanner sa Ninoy Aquino International Airport. Tumatagal nang halos labing-apat (14) na araw bago lumabas ang mga sintomas ng sakit, dagdag pa ni Dr. Suy.

Sa ngayon, patuloy pa ring binabantayan ang unang kaso ito sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Lumabas din sa pagsusuri at ipinahayag ng DOH na ang Pinay Nurse ay tinatayang nasa apat (4) hanggang limang (5) linggong nagbubuntis.

Wala raw dapat ikatakot ang publiko at iwasang maniwala sa mga maling imposmasyong kumakalat ukol sa MERS-CoV.

Tuesday, February 17, 2015

TRO ni Gob Alvarado Ibinasura ng Korte Suprema, RECALL TULOY NA!



Hindi na mapipigilan pa ang Recall sa Bulacan matapos ibasura ngayong araw ng Korte Suprema ang inihaing Temporary Restraining Order (TRO) ng kampo ni Gob. Willy Alvarado. Wala ng dahilan pa para ipatigil at ihinto ang proseso ng recall hanggang sa magkaroon at makapagtakda ng eleksyon o araw ng botohan ang Commission on Elections (COMELEC) bago at hindi lalagpas ang Mayo 9, 2015.

Matatandaan na isang petisyon ang isinampa sa Comelec laban kay Alvarado noong isang taon. Ito ay makaraang lumagda sa nasabing petisyon ang mga Bulakenyong nawalan na ng tiwala sa pamamahala ni Alvarado dahil umano sa talamak na katiwalian sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at pag-abuso niya sa kapangyarihan.

Tiyak na ang mga mamamayang Bulakenyo ay nag-aabang na sa kahihinatnan nito at naiinip na sa magaganap na halalan. Isang hamon para sa bawat isa ang maging mapanuri at mapagmatyag upang ang katotohanan ay manaig at tuluyang ang batas ukol sa recall ay maipatupad sang-ayon sa nakasaad sa Local Government Code (Book I, Title II, Chapter V, Sections 69 - 75) at sa resolusyon na inapruba ng COMELEC (Resolution Number 7505).

MIYERKULES NG ABO



Ang Miyerkules ng Abo o "Ash Wednesday" sa salitang ingles ay ang unang araw ng Kuwaresma at pumapatak na apatnapu't anim na araw (apatnapung araw naman kapag hindi binibilang ang mga Linggo) bago ang Pasko ng Pagkabuhay.

Bukas ay muling gugunitain ng mga Katoliko ang Miyerkules ng Abo. Naglalagay o nagpapalagay ng Abo sa noo sa anyo ng Krus ang mga mananampalataya. Ito ay tanda o lantarang pagpapahayag na ang isang tao ay makasalanan at lubos na nagsisisi sa mga ito. Ang abo rin ay sagisag ng pagiging pansamantala lamang ng tao dito sa sanlibutan.

Tinatanggap ang abo sa anyo ng Krus bilang pagpapahiwatig na ang ating kaligtasan sa kasalanan at sa kamatayang dulot nito ay tanging sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na nag-alay ng buhay, nagtagumpay sa Krus at muling nabuhay upang tubusin ang sanlibutan sa kasalanan.

Trivia: Alam n'yo ba kung saan gawa ang abong ginagamit at ipinapahid sa noo tuwing Miyerkules ng Abo? Kinukuha o kinukolekta ang mga palaspas sa nakaraang Linggo ng Palaspas o Palm Sunday upang sunugin at gawing abo para sa pistang ito. Hinahalo sa abo ang banal na langis na ginagamit sa pagpahid sa mga binibinyagan o pangkaraniwang langis.

Malinaw ang palagiang panawagan ng Simbahang Katolika sa lahat ng debotong Katoliko na magtika at isabuhay ang tunay na diwa ng Kuwaresma.

Monday, February 16, 2015

Recall Election sa BULACAN, Maugong na Maugong na!


MALOLOS, BULACAN – Maugong na maugong ang balita ngayon sa lalawigan ng Bulacan na hindi na mapipigilan pa ang Recall Election matapos maglabas ng Resolusyon ang Commission on Elections (COMELEC) na ituloy ang kaakibat na proseso sa pagkakaroon at pagsasakatuparan nito.

Nang nakaraang taon, isang petisyon ang isinampa sa Comelec laban kay Gob. Willy Alvarado. Ito ay makaraang lumagda sa nasabing petisyon ang mga Bulakenyong nawalan na ng tiwala sa pamamahala ni Alvarado dahil umano sa talamak na katiwalian sa Pamahalaang Panlalawigan at pag-abuso niya sa kapangyarihan.

Kaugnay pa rin ng itinakdang proseso ukol sa recall election, nakalikom ng humigit-kumulang 319,707 na pirma ang mga tagapagsulong nito. Malinaw na ito ay labis sa sampung porsyento (10%) bilang ng lagdang kakailanganin mula sa mga rehistradong botante ng lalawigan para umusad ang proseso ng recall.

Samantala, ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) Bulacan ang Temporary Restraining Order (RTO) na inihain ni Alvarado. Ang ibig sabihin ay wala ng dahilan upang pigilin pa at malaya na ang Comelec na ituloy ang proseso ng recall.

Sa isang panayam sa radyo kay Atty. James Jimenez, spokesperson ng Comelec, sinabi niya na may sapat na panahon pa para makumpleto ang recall process upang matuloy ang recall election sa Bulacan. Gayundin naman ang naging pahayag ng Provincial Election Supervisor na si Atty. Elmo Duque. Aasahan na ng publiko ang Notice of Publication sa susunod na tatlong linggo. Pagkatapos nito ay bubusisiin ng Comelec ang mga lagda sa inihaing petisyon. Tinukoy nina Jimenez at Duque na sapat ang panahon para sa kabuuan ng proseso hanggang sa makapagtakda ang Comelec ng araw ng botohan na hindi dapat lalagpas sa Mayo 9, 2015 o isang taon bago ang 2016 elections.

Para sa higit pang kabatiran ng nakararami, ang Recall ay isang uri ng petisyon para paalisin sa puwesto ang isang nanunungkulang pulitiko kung nawalan na ng tiwala ang mamamayan dito. Ang Recall ay naayon sa batas at isang legal na proseso na nakasaad sa Local Government Code (Book I, Title II, Chapter V, Sections 69 – 75) at sa resolusyon na inapruba ng COMELEC (Resolution Number 7505).