Monday, March 9, 2015

Pagbababallik Tanaw...


Si Francisca Reyes Aquino ay ipinanganak sa kaparehong araw na ito noong ika-9 ng Marso 1899 sa Lolomboy, Bocaue, Bulacan, siya ay kinilala di lamang sa ating Lalawigan ng Bulacan kundi sa buong bansa bilang isang edukador, guro at nasyonalista, siya ay ang kauna-unahang babaeng ginawaran ng parangal na Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw sa bansa noong taong 1973.

Nagsimula siyang manaliksik ng mga katutubong sayaw noong 1921 at naglakbay sa mga malalayong baryo sa Hilaga at Gitnang Luzon. Patuloy siyang lumikom ng mga katutubong sayaw, kanta at laro para sa kanyang master thesis sa UP noong 1926 at matapos na rebisahin ito noong 1927, inilimbag niya ito na may titulong Philippine Folk Dances and Games.

Naging superintendent siya ng Physical Education, Bureau of Public Schools, Philippine Republic noong 1947 at consultant ng Bayanihan Folk Dance Troupe. Nagturo rin siya sa ilang mga folk dance camps at nagsagawa ng mga seminar o workshop sa iba't ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa. Itinanghal niya ang kanyang Philippine dances and folklore sa Fourth International Congress on Physical Education and Sports for Girls and Women sa Washington, D.C .

Narito ang kanyang mga naitalang akda at parangal:

Nag-akda ng:
  • Philippine National Dances (1946)
  • Gymnastics for Girls (1947)
  • Fundamental Dance Steps and Music (1948)
  • Foreign Folk Dances (1949)
  • Dances for all Occasion (1950)
  • Playground Demonstration (1951)
  • Philippine Folk Dances, Volumes I to VI
Mga Parangal:
  • Republic Award of Merit mula kay Presidente Ramon Magsaysay, 1954
  • Doctor of Sciences degree in Physical Education, Honoris Causa mula sa Boston University
  • Doctor of Humanities, Honoris Causa mula sa Far Eastern University, Maynila, 1959
  • Cultural Award mula sa UNESCO
  • Rizal Pro-Patria Award
  • Certificate of Merit mula sa Bulacan Teachers Association
  • Ramon Magsaysay Award, 1962
  • Award for Outstanding Alumna, College of Education, UP
  • Pambansang Alagad ng Sining, 1973 

Dahil sa kanyang mga ginawa, malaki ang naiambag niya sa pagsulong ng kultura ng Pilipino sa larangan ng pagsayaw. Kayo mga ka-lalawigan, may alam ba kayong mga mahalagang pangyayari na naganap sa araw na ito?  Kung mayroon, maari nyo bang ibahagi sa bawat isang Bulakenyo na makakabasa ng artikulong ito?


Wednesday, March 4, 2015

MARSO: Buwan ng Pag-iingat sa Sunog


Matindi ang sikat ng araw tuwing sasapit ang buwan ng Marso dito sa Pilipinas, marahil ito ang pangunahing dahilan ng ating Pamahalaan kung kaya't ang Buwan ng Marso ay tinaguriang "FIRE PREVENTION MONTH", halos wala pang isang linggo ang nakakaraan ay kabi-kabila na ang balita tungkol sa mga nagaganap na sunog. Tumataas ang tsansa na maganap ang isang sunog sa panahong ng tag-init subalit maaari naman itong maiwasan, sa tamang pag-iingat at alamin sana natin ang lahat ng maaaring pagmulan at sanhi ng sunog. Mga ilang tips para makaiwas sa sunog: 1.) huwag iiwanang nakasaksak ang mga appliances na hindi ginagamit, 2.) kung nagluluto huwag iwanan na nakabukas ang kalan, 3.) ilayo o itaas sa mga bata ang mga bagay na madaling magliyab kagaya ng posporo, lighter at kandilang may sindi. 

Ika nga ng marami, "Manakawan ka na ng sampung beses, huwag ka lang masunugan ng isang beses." INGAT PO mga ka-lalawigan!


Tuesday, March 3, 2015

UCG - Urban Container Gardening laganap na sa Bayan ng Obando (Household Based Waste Management System and Food Security)


Isang pagbabalik tanaw: ang bayan ng Obando ay kilala bilang isang bayan sa Lalawigan ng Bulacan na mayaman sa pagkain mula sa biyaya ng dagat, kilala at dinarayo ang bayan ng Obando tuwing buwan ng Mayo sa pagdiriwang ng "Fertility Dance" para sa mga mag-aasawang himihingi o nais magkaanak. Subalit sa paglipas ng panahon ang maliit na bayan ng Obando ay unti-unti ng kinakain ng dagat sa kadahilanang mas mababa pa ito sa level ng dagat kung kayat malimit itong binabaha, sa kadahilanang ito, ang mga dating taniman ng palay maging ng ibat-ibang uri ng halaman ay nawala na. Naging isang malaking problema pa rin ang kakulangan ng maayos na pagtatapon ng basura na nakadagdag pa sa suliranin.

Sa paglipas ng mga araw ay masasabi na masuwerte pa rin ang Obando at mga mamamayan nito sa kadahilanang may isang Non Government Organization na tila baga lumalaban sa hamon ng panahon, pinangunahan ng grupong ito ang paglaban sa lumalalang problema sa basura. Isa sa kanilang mabisang paraan ay ang paglulunsad at pagtuturo sa mga tao ng wastong pagbubukod-bukod ng basura at ang bidang bida ngayon na UCG o ang urban container gardening. Sa ating pakikipag-usap kay G. Joel Espiridion isa sa tagapagsulong ng programa at kasapi ng OKAPI -Obando Kami ay Para sa Iyo ay inilahad niya ang ilan sa mga magagandang layunin kung bakit ipinupursige nila ang UCG aniya "mainam na maituro sa bawat pamilya ang pagtatanim na gamit ang mga nabubulok na basura at mga patapong bote ng mineral water o mga container na maaari pang magamit na taniman, hindi kailangan ang malaking lugar upang makapagtanim ng ibat-ibang uri ng gulay. Maganda pa dito may gulay ka na, nakakasunod kapa sa batas sa wastong pagtatapon ng basura". Idinagdag pa ni G. Joel Espiridion na sila ay nakahandang ituro at ipalaganap sa lahat na nagnanais na matutunan ang wastong pagsasagawa ng UCG.

Nakagagaan ng kalooban kapag may nakikita tayong mga taong tulad nila na nag-iisip ng mga bagay at gawain na hindi lamang para sa kanilang sarili bagkus maging para sa buong pamayanan at kapaligiran.


Thursday, February 26, 2015

Kalsadang YOSI KADIRI sa Bulacan



Nahaharap na naman sa panibagong kaso ng Graft and Unethical Practices sa Office of the Ombudsman si Gob Wilhelmino Sy-Alvarado kasama ang mga Bokal ng Sangguniang Panalalawigan, ang buong Sangguniang Barangay ng Barangay Tikay, Malolos pati ang Executive Vice President ng Mighty Corp. na si Retired Judge Oscar Barrientos.

Ang reklamo ay isinumite sa Tanggapan ng Ombudsman noong Enero 29, 2015 ng isang retiradong huwes na si Adoracion Angeles kasama ang concerned citizens ng barangay Tikay, Malolos. Ang reklamo ay direktang paglabag sa "Section 3 (e) Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) for causing undue injury to any party, including the government, or giving any private party any unwarranted benefits, advantage or preference in the discharge of his official, administrative or judicial functions through manifest partiality, bad faith or gross inexcusable negligence." at paglabag sa "Republic Act No. 6713, the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees". 

Nag-ugat ang lahat sa pagpapalit ng pangalan ng pangunahing lansangan (major road) sa Barangay Tikay bilang "Mighty Road" upang bigyan marahil ng parangal o pagkilala ang isang pribadong korporasyon na gumagawa ng sigarilyo na naka base sa naturang barangay, ito ay ang ang Mighty Corporation. Pinapahintulutan naman sa ilalim ng batas ang pagpapalit ng pangalan ng kahit anong pampublikong lugar sa pasubali na ito ay sa pakikipag ugnayan sa Philippine Historical Institute at sa kundisyong ang pagpapalit ay may kaugnayan sa kasaysayan o makapagpapataas ng moralidad lahat ng mga naninirahan dito. Pero ayon sa mga nagsusulong ng reklamo, tila baga kabalintunaan ang nangyari, sa halip ay sa kapaboran lamang ng isang pribadong kumpanya na ang produkto ay nabibilang sa mga tinatawag na "sin products" ang naging basehan ng pagpapalit ng pangalan.

Sa aming pansariling pananaw kung may kasalanan o pagkakamali man ang mga namumuno sa barangay, sa tingin ko mas mabigat ang pananagutan sa batas at sa mamamayan ng mga lider na nasa Kapitolyo ng Bulacan, sa pangunguna ng Punong Lalawigan, bakit nila pinalusot ang ganitong uri ng pagbabago? Manipestasyon at pagpapakita lamang ito ng kanilang kapabayaan at kawalang malasakit sa mamamayan di lamang ng barangay Tikay bagkus ay sa buong lalawigan.

Wednesday, February 25, 2015

EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION, Ano na ang tunay na kabuluhan ngayon?

Eksaktong 29 na taon na ang nakalipas mula ng ilunsad ang sinasabing pinakamapayapang rebolusyon ng makabagong panahon. Isang mahalagang kabanata ang nasulat sa dahon ng kasaysayan ng Pilipinas na hinangaan at ginaya maging ng ibang bansa. Pebrero 22 hanggang Pebrero 25, 1986 napuno ang kahabaan ng EDSA ng mga tao na nagnanais labanan at patalsikin sa pwesto ang noo'y sinasabing diktadurya, ang rehimeng Marcos. Apat na araw na nagbantay at nagkapit bisig ang ating mga kababayan upang tapusin ang kahirapan at muling maibalik ang kalayaan at demokrasya na sa mahabang panahon ay naipagkait sa ating bansa at mamamayang Pilipino. Ispiritu ng pagbabayanihan at pagkakaisa, ito marahil ang naging sandata ng mga taong nanguna sa EDSA Revolution upang labanan at patalsikin sa pwesto ang nag-iisang kaaway, ang rehimeng Marcos. Matapos magtagumpay ang sinasabing mapayapang rebolusyon marami ang umasa na gaganda na ang buhay ng mga Pilipino. 

Subalit sa paglipas ng panahon ay tila nawala na ang tunay na diwa at ispiritu ng EDSA People Power Revolution...maraming tanong pa rin ang namumutawi sa bibig ng mga Pilipino. Bakit marami pang mahihirap? Bakit marami ang nagugutom? Bakit marami pa rin ang walang maayos na trabaho? Bakit marami pa rin ang mga walang matirhan kundi ang mga bangketa sa lansangan? Bakit lalong gumulo ang sistemang pulitikal na umiiral sa ating bansa? Taliwas sa inaasahan na gaganda na ang pamumuhay ng Pilipino. 

Isang bulag at binging saksi na lamang ang EDSA sa tuwing may mangyayaring pag-aaklas at pagtitipon-tipon upang patalsikin sa pwesto ang sino mang sinasabing tiwaling pinuno ng bansa. Marahil kung makapagsasalita lamang ang EDSA baka ang sabihin nito "huwag na ninyo akong gamitin at idamay sa pansarili ninyong intires".


Tuesday, February 24, 2015

Recall Elections sa BULACAN at PUERTO PRINCESA, Asahan na sa susunod na 2 Buwan



Lubos na ikinatuwa at pinanghahawakan ngayon ng mga mamamayan ng Bulacan at Puerto Princesa, Palawan ang naging pahayag ng Commission on Elections (COMELEC) na dapat nang asahan ang eleksyon sa mga susunod pang dalawang (2) buwan ngayong taon.

Batay sa huling pahayag ni Atty. James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, may sapat aniya na panahon upang maisakatuparan ang recall elections bunga ng petisyong inihain laban kina Bulacan Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado at Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron bago pa man umiral one-year election ban. Malinaw na nakasaad sa Local Government Code na ang Recall Election ay dapat na maisagawa isang (1) taon bago ang pagkakaroon ng regular election.

Matatandaan na kamakailan lang ay ibinasura ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order (TRO) na inihain ng mga kampo nina Alvarado at Bayron upang ipatigil ang proseso ng recall. Dagdag pa sa naging pahayag ni Atty. Jimenez, ang proseso ng recall bilang tugon sa dalawang petisyon ay halos kumpleto at matatapos na.

Magpapatuloy ang proseso ng recall hanggang dumating sa punto na mag-anunsyo ang Comelec upang tumanggap ng mga aplikasyon ng kandidato para sa mga posisyong nabanggit at maitakda ang araw ng halalan sa lalong madaling panahon.

Banta ng MERS-CoV at BIRD FLU sa Bansa, Nilinaw ng DOH



Magandang balita ang hatid ng Department of Health (DOH) matapos ipahayag ng ahensya ang dalawang magkasunod na balita upang linawain na walang nang dapat ikatakot ang publiko sa banta ng mga nakamamatay na sakit na dulot ng Middle East Respiratory Syndrome - Corona Virus (MERS-CoV) at Bird Flu.

Naging maingat ang ahensya sa paghawak ng unang kaso ng MERS-CoV hanggang sa tuluyang gumaling at makalabas ng ospital ang Pinay Nurse. Sampung (10) araw pa siyang mamamalagi sa kanyang bahay at pinagbawalang lumabas upang masiguro ang kaligtasan ng publiko. Ang lahat naman ng kanyang nakasama at nakasalamuha ay maituturing nang ligtas sa sakit dahil lumagpas na sa labing-apat (14) na araw na incubation period.

Samantala, isang lalaking Overseas Filipino Worker (OFW) galing China ang umuwi sa Pilipinas noong Pebrero 9. Mismong Araw ng mga Puso pumanaw ang ating kababayan matapos magpatingin sa doktor ngunit tumangging magpa-confine sa ospital. Batay sa mga pagsusuri ng mga doktor at mga sintomas ng sakit ng balikbayan ay posibleng Bird Flu ang naging sakit at sanhi ng kanyang pagkamatay. Sa huli, iginiit pa rin ni DOH Acting Secretary Janette Garin na Bird-Flu pa rin ang Pilipinas.

Magkatuwang ang mga ahensya ng DOH at Department of Foreign Affairs (DFA) upang matiyak na hindi makapasok at makapaminsala ang mga nakamamatay na sakit sa ating bansa. Mahigpit ang kanilang panawagan sa ating mga kababayan lalo na sa mga OFWs na manggagaling sa mga apektadong bansa na makipagtulungan sa kanila. Hiniling din nila na maging tapat sa pagsagot sa Health Declaration Checklist kabilang na rito ang travel history na lubhang mahalaga sa pagtukoy at pag-aalinisa ng bawat kasong magdudulot ng banta sa kalusugan ng mamamayan.